Makakatanggap na ng mas mataas na sahod sa Enero ng susunod na taon ang mga kasambahay sa Metro Manila at Northern Mindanao.
Ito’y matapos na aprubahan ng National Wages and Productivity Commission ang wage order no. 05, na inisyu ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region, para sa P500 umento sa buwanang sahod sa mga kasambahay sa rehiyon.
Dahil dito, magiging P7,000 pesos na ang buwanang minimum wage ng mga kasambahay sa Metro Manila.
Inaprubahan naman ng NWPC ang P1,000 dagdag-sahod ng mga kasambahay sa Region 10, kaya’t aabot na sa P6,000 pesos ang monthly minimum wage ng mga ito.
Samantala, nasa P23 naman ang taas-sahod para sa mga manggagawa na nasa non-agriculture sector, habang P35 naman sa agriculture sector na ibibigay sa loob ng dalawang tranches.
Dahil dito, aabot na sa P446 hanggang P461 pesos ang minimum wage rate sa Northern Mindanao.