Umaasa ang labor groups na dedesisyunan na ng National Wage Board ang dagdag na sahod para sa mga manggagawa ng National Capital Region.
Kasunod ito ng pag-apruba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa dalawang pisong dagdag pasahe sa jeepney at piso sa mga bus.
320 piso kada araw na umento sa minimum wage ang hinihingi ng Trade Union Congress of the Philippines.
Una rito, umapela sa taumbayan ang Malakanyang na magtiis-tiis muna dahil wala silang magagawa kundi payagan ang pagtaas ng pasahe dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa world market.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, kailangang unawain ng mga Pilipino na masama talaga ang panahon ngayon kaya’t kelangang magtiis muna ang lahat.
Bello, tiniyak na lalabas na ang wage order para sa NCR bago matapos ang Oktubre
Muling tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello lll na lalabas na ang wage order para sa National Capital Region bago matapos ang Oktubre.
Ayon kay Bello, nagkaroon na ng meeting at ang kailangan na lamang ay magkaroon ng public hearing kung saan dapat mabuo ang consensus kung magkano ang katanggap tanggap na umento, base sa kapasidad ng employer na makapagbayad.
Ang pagtiyak ay ginawa ni Bello sa harap ng inaasahang pagtaas pa ng presyo ng pagkain dahil sa pagtaas ng singil sa pasahe.