Inilarga na ng mga kumpanya ng langis ang kanilang buena manong dagdag – singil sa kanilang mga produkto ngayong Bagong Taon.
Ito’y sa kabila ng abiso ang Department of Energy (DOE) at Department of Finance (DOF) na huwag munang patawan ng excise tax ang presyo ng mga produktong petrolyo pagsapit ng Bagong Taon.
Epektibo simula ngayong unang araw ng 2018, 6:00 ng umaga, ang dagdag P0.20 sa presyo ng kada litro ng gasolina, P0.65 sa diesel habang P0.75 sa kerosene.
Kabilang sa mga nagpatupad ng price increase ang Shell, Seaoil, PTT Philippines at Petron.
Matatandaang nilinaw ng DOE na hindi agad tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa pagiging epektibo ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law simula ngayong unang araw ng 2018.
Gayunman, sinabi ng DOE na ang value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo na nasa ilalim ng TRAIN Law ay epektibo na ngayong Enero 1.