Posible muling tumaas ang singil ng Meralco sa residential customers sa susunod na buwan dahil sa pagmahal ng mga panggatong na coal at krudo.
Sa gitna ito ng inaasahang desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) ngayong linggo o sa mismong Oktubre a – kwatro, sa hirit na rate hike ng San Miguel Corporation at Meralco.
Dagdag 30 centavos per kilowatt hour ang hirit ng mga power plant na pag-aari ng San Miguel sa loob ng kalahating taon upang mabawi ang lugi bunsod ng pagsipa ng presyo ng coal.
Tiniyak naman ni ERC Commissioner Floresinda Baldo- Digal na ilalabas nila anumang araw mula ngayon ang kanilang tugon sa hiling na power rate hike.
Una nang ibinabala ng SMC Global Power Holdings Corporation (SMCGP) na maaari nitong i-terminate ang dalawang Power Supply Agreements (PSA) sa Meralco sa Martes, Oktubre a – kwatro kung hindi magpapasya ang ERC.
Magugunitang naghain ang SMCGP at Meralco ng power rate hike matapos lumobo sa P15 billion ang kanilang lugi dahil sa mataas na presyo ng oil products at mahigpit na supply ng natural gas.
Samantala, inihayag ni Meralco Vice President at Utility Economics Head Lawrence Fernandez na ang pagpapanatili sa kanilang PSA sa SMC ang pinaka-mainam na opsyon para sa mga consumer.
Idinagdag pa ni Fernandez na apat hanggang limang generation para sa emergency purchase ng kuryente ang kanilang kinontrata, na may average na P7 hanggang P8 per kilowatt hour para sa isang taong supply simula Oktubre.