Hindi pa rin sumusuko si Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares sa pagsusulong ng dagdag na P2,000 sa buwanang tinatanggap ng SSS pensioners.
Sa katunayan, ipinabatid sa DWIZ ni Colmenares na hihilingin na lamang nila kay incoming President Rodrigo Duterte na magpalabas na lamang ng kautusan para sa naturang dagdag pension.
Nanghihinayang aniya sila dahil talagang hindi pinalusot ang botohan sa tinatangka nilang pag-override sa pag-veto ng Pangulong Benigno Aquino III sa dagdag pensyon ng mga retiradong SSS members.
“Si President Duterte palitan na ang board ng SSS at mag-isyu na lang siya ng executive order na itaas na ang pension ng P2,000 yun na yan, kapag nakaupo na siya siguro kung kakayanin pwede niya nang gawin yung executive order, kung bill kasi baka tumagal pa eh.” Ani Colmenares.
PNoy allies
Ayaw lamang ipahiya ng kanyang mga kaalyado si outgoing President Benigno Aquino III kaya ipinilit ng mga ito na hwag ng pagbotohan sa plenaryo ang pag override ng mababang kapulungan ng Kongreso sa veto ni Pangulong Aquino sa SSS pension hike bill.
Ayon kay Bayan Muna Representative Neri Colmenares, hindi dahilan na nag-adjourn na ang senado para hindi i-override ng Kongreso ang veto ng Pangulo dahil maari naman aniyang magpatawag pa ng special session ang senado para i-override din ang veto.
Natatakot lang aniya ang mga kongresistang kaalyado ni PNoy na mapahiya ito sakaling manalo sa botohan ang pag-override sa veto.
“Ayaw nilang pagbotohan kaya nag-adjourn sila, ang tantiya namin may boto ang override eh kaya natatakot silang mapahiya si Pangulong Aquino kaya instead na pagbotohan ay ni-railroad nila na hindi na ituloy kahit puwede naman sanang ituloy nag boto kagabi.” Pahayag ni Colmenares.
By Judith Larino | Mariboy Ysibido | Balitang Todong Lakas