Magpapadala ng karagdagang tropa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na magbabantay sa West Philippine Sea.
Ito ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtayo ng pasilidad at istruktura sa mga isla na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Ayon kay AFP Chief General Eduardo Año, makakaasa ang Pangulo na mahigpit na babantayan ng militar ang mga teritoryo ng Pilipinas.
Sa ngayon aniya ay walong isla ay isang shoal sa Kalayaan Island Group ang okupado na ngayon sa West Philippine Sea habang ang ibang isla naman ay okupado na ng China, Vietnam at iba pa.
Digong in Pag-asa Island
Samantala, seryoso ang Pangulong Rodrigo Duterte sa pahayag nitong nais niyang puntahan at idaos ang araw ng kalayaan ng Pilipinas sa Hunyo 12 sa Pag-asa Island.
Ayon kay Presidential Spookesperson Ernesto Abella, magiging makabuluhan ang hakbang na ito ng Pangulong Duterte bilang kauna-unahang Presidente ng Pilipinas na bibisita sa naturang isla at doon magdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Dagdag pa ni Abella, ang naturang hakbang ng Pangulo ay magiging simboliko sa isinusulong na independent foreign policy ng Pilipinas.
Sakaling matuloy, makakasama ng Pangulong Duterte ang gobernador, tatlong (3) kongresista at mga lider ng bayan ng Kalayaan.
By Ralph Obina