Inaasahang bukas pa ng hapon, Miyerkoles Santo magsisimula ang dagsa ng mga motorista sa North Luzon Expressway, SCTEx o Subic Clark Tarlac Expressway at SLEX o South Luzon Expressway.
Ayon ito kay NLEX/ SCTEx Traffic Senior Manager Robin Ignacio na nagsabi ring umaga naman ng Huwebes Santo inaasahang magiging mabigat ang daloy ng trapiko.
Noong Biyernes ay nagdagdag na ng toll tellers at patrol crews ang management ng NLEX at SCTEx dahil sa inaasahang Holy Week exodus.
Tiniyak ni Ignacio ang kahandaang magbukas ng dalawampu’t siyam (29) na toll lanes sa pagdagsa ng mga motorista na pinapayuhan ding siguruhin ang maayos na kondisyon ng kanilang sasakyan.
Kasabay nito, ipinabatid ni Ignacio na magkakaroon ng libreng towing services para sa light vehicles mula bukas, April 17, Miyerkoles Santo, alas-6:00 ng umaga hanggang April 22, alas-6:00 ng umaga.
“Napaka-importante na ang magda-drive ay sana po ay may tamang pahinga at kung sila’y bibiyahe puwede nilang i-check muna ang sitwasyon ng NLEX at SCTEx, puwede silang mag-visit sa ating Facebook at magla-live stream dinm po kami ng mga videos ng real situatioon ng NLEX starting Wednesday, puwede din po silang mag-monitor sa ating Twitter account o tumawag sa 023-5000 para malaman ang real situation ng NLEX para mas maplano nila ang pagdaan nila.” Pahayag ni Ignacio
(Karambola Interview)