Nakatanggap ng medical van mula sa Department of Health (doh) – Ilocos Region ang Dagupan City Government.
Nanguna sa pagturn-over ng mobile clinic si Regional Director Paula Paz Sydiongco bilang bahagi ng pagpapatupad ng universal health care (UHC) na may layuning paghusayin at palakasin ang serbisyong pangkalusugan sa taumbayan.
Ayon kay Sydiongco, ang mobile clinic ay magagamit para sa iba’t-ibang uri ng pagsusuri sa isang pasyente kabilang na ang consultation and medical examination partikular na sa mga mahihina at may malalang sakit na walang access sa mga pasilidad.
Naniniwala si Sydiongco na sa tulong ng mobile clinic, maaabot ang mga kababayan nating nakatira sa mga liblib at malalayong barangay para mabigyan ng mga libreng serbisyong pangkalusugan gaya ng x-ray at basic laboratory examinations.
Ang naturang mobile clinic ay mayroong x-ray room na may isang unit ng portable digital x-ray machine, dalawang units ng mobile negatoscope, isang unit ng clinical centrifuge, isang unit ng hemoglobinometer, medicine cabinet, dalawang emergency lights at dalawang fire extinguishers na nabili sa ilalim ng general appropriations act of 2021 para sa health service capability ng mga uhc sites.