Kinumpirma ng Philippine Egg Board Association (PEBA) na tumigil na sa operasyon ang ilan pang maliliit na poultry farm owners at egg producers sa bansa.
Ito ang isa sa itinuro ni PEBA Chairman at United Broilers Raisers Association President Gregorio San Diego na dahilan nang pagtaas ng presyo ng itlog sa mga pamilihan, partikular sa Metro Manila.
Ayon kay San Diego, nagkaroon ng over-production noong 2021 pero bagsak ang presyo kasabay ng pagmahal ng patuka na sinundan ng bird flu outbreak noon namang isang taon.
Kung sosobra anya ang produksyon ay malulugi sila kaya’t maraming small at medium producers ang tumigil na sa operasyon habang nagbawas ng volume ang malalaking poultry farm.