Kakayanin ba ng pasensya mo na hintayin ang pension na makukuha mo mula sa ilang taong pagtatrabaho o paiiralin mo ang pagiging mainipin at gagawa na lang ng hindi maganda para sa easy money? Ganyan ang nangyari sa isang japanese man na sa isang iglap ay nawalan ng malaking halaga ng retirement package matapos mangupit.
Kung ano ang buong kwento ng lalaki, eto.
Sa tulong ng dashcam ng isang bus, nadiskubre ng Kyoto Municipal Transportation Bureau ang ginawang pangungupit ng isang driver sa pamsahe na ibinayad ng mga pasahero na nagkakahalagang 1,150 yen o $7.
Ngunit nang komprotahin ang driver ay itinanggi pa rin nito ang paratang at nagsampa ng kaso laban sa Kyoto City.
Dahil sa ginawang pagnanakaw ng pamasahe ay natanggal ang lalaki sa trabaho at ang pinakamasaklap sa lahat ay hindi na rin nito matatanggap pa ang kaniyang pension na nagkakahalaga ng 12 million yen o $84,000 mula sa 29 na taon niyang pagtatrabaho.
Pansamantalang pumanig sa lalaki ang ruling ng korte dahil sobra-sobra raw ang ipinataw rito na parusa.
Pero nang ilabas ang final verdict ng Korte Suprema, pinanigan nito ang Kyoto City at binigyang diin na maaaring masira ang tiwala ng publiko sa serbisyo na ibinibigay ng bus operators dahil sa ginawa ng nasabing driver.
Samantala, bukod sa pagnanakaw ay nadiskubre na makailang beses itong gumamit ng e-cigarette habang nasa duty, bagamat walang mga sakay na pasahero.
Ikaw, ipagpapalit mo ba ang pinaghirapan mong pension para sa panandaliang maliit na halaga ng pera?