Nagpaliwanag ang Department Of Health kung bakit hindi pa ito makakapagpalabas ng listahan ng mga babakunahan kontra COVID-19 sakaling maging available na ito.
Kasunod ito ng naging panawagan ni Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na magkaroon ng listahan ng vaccine recipients.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi sila makapagpapalabas nito hangga’t wala pa ring pinal na listahan ng mga bibilhing bakuna.
Dagdag ng opisyal nasa proseso pa lamang sila ng pagsasapinal ng plano at pamantayan para matukoy ang mga lugar at indibiduwal na isasama sa mga babakunahan.
Binigyang diin naman ni Vergeire na suportado ng DOH ang pagkakaroon ng transparency sa usapin ng mass immunization program ng pamahalaan kabilang na ang mga lugar na makikibahagi dito.
Samantala, inaasahan na maipalalabas ng DOH sa Disyembre ang listahan ng mga bakunang magsasagawa ng clinical trial sa bansa.