Inilabas na ang resulta sa pagkamatay ng American singer na si Keith Martin na natagpuang wala nang buhay sa kaniyang condo unit sa Quezon City kamakailan.
Base sa naging ulat ni Jojo Gabinete Sa Pep.Ph, sinabing isang acute myocardial infarction o heart attack ang dahilan ng pagkamatay ni Keith.
Base sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nadiskubre ang bangkay ng biktima makaraang magreklamo ang ibang nakatira sa gusali hinggil sa masangsang na amoy kung saan, pinaniniwalaang ilang araw nang patay ang singer na huling nakitang buhay noong March 20, 2022.
Ayon sa mga otoridad, walang palatandaang puwersahang pinasok ang Condominium unit ni Keith na isang mang-aawit at piniling manirahan sa Pilipinas.
Kahapon, nagsagawa ng public viewing sa cremated remains ni Keith sa Immaculate Conception Cathedral Grottos sa Lantana Street, Quezon City. —sa panulat ni Angelica Doctolero