Tukoy na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang sanhi ng sunog sa MV Mercraft 2 sa Quezon Province noong Mayo a-23.
Kinumpirma ni PCG Commandant, Admiral Artemio Abu na isang “highly combustible material” sa engine room ng barko ang dahilan ng pagkalat ng apoy.
Ayon kay Abu, nagsumite na sila ng initial findings sa kanilang imbestigasyon sa sunog na ikinasawi ng pito katao.
Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye ang PCG official dahil ang Department of Transportation (DOTR) na anya ang nangunguna sa pagbabahagi ng mga resulta ng imbestigasyon.
Bukod sa mga nasawi, 121 naman ang nailigtas habang 29 ang nasugatan sa nasunog na barko na patungo sanang Real mula Polilio Island.