Inatasan na ni Environment Secretary Roy Cimatu ang mga tauhan ng DENR sa Baguio City na paigtingin pa ang kanilang pag-aaral tungkol sa mga pine trees.
Ito ay makaraang mapuna ng kalihim ang unti-unti nang pagkamatay ng mga pine trees sa lungsod.
Ayon kay Environment Undersecretary Jonas Leones, partikular na titignan ng mga taga-DENR Baguio City ay ang mga dahilan sa pagkamatay ng mga nasabing puno, gayundin ang mga solusyon para mapigilan ang tuluyang pagka-ubos nito.
Maliban dito, tututukan din ng DENR sa planong rehabilitasyon ang dalawang problemang kanilang nakita sa lungsod.
Kabilang na ang mataas na coliform level sa mga ilog at ang pagdami ng mga ipinatatayong bahay sa Baguio City.
“May mga residente na may mga bahay na doon sa medyo matatarik na lugar diyan, kahit na mataas na 18 degrees slope eh meron na talagang proclamation diyan na puwedeng maging resettlement area, ang gustong mangyari ng ating kalihim ay pag-aralan ang batas na ‘yan at mag-suggest kami sa Congress kung paano i-amend ‘yung batas na ‘yan. Pangalawa nakita natin na may mga river system na talagang mataas ang coliform level, meaning merong mga bahay-bahay, domestic sector diyan na diretsong nagtatapon sa mga river na ito.” Pahayag ni Leones
(Balitang Todong Lakas Interview)