Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na mananatili ang panuntunan nito na may kaugnayan sa lesson plan ng mga guro hangga’t wala pang pinal na desisyon si DepEd Secretary Leonor Briones hinggil dito.
Sa isang kalatas, sinabi ni Briones na ang order no. 42 o ang polisiya sa daily lesson preparation para sa K-to-12 program ay binuo upang maging handa ang mga guro sa kanilang pagtuturo.
Matatandaang pumalag ang ACT Teachers Partylist dahil kalbaryo lamang umano sa mga guro ang pagbuo ng may 10 pahinang lesson plan araw-araw.
Bukod umano sa napupuyat sila ay wala namang karagdagang kompensasyon sa paggawa ng pahirap na lesson plan.
Sa kabila nito, ipinaliwanag naman ng Kalihim na bukas pa rin ang DepEd sa pakikipag-dayalogo sa grupo ng mga guro hinggil sa naturang usapin.
By Jelbert Perdez