Dalawa na ang nasawi sa naganap na ammonia leak sa isang planta ng yelo sa Navotas City.
Ayon kay Vonne Villanueva, pinuno ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management nakita kaninang umaga ang labi ni Joselino Jasareno, 54 na taong gulang at isa sa mga electrician sa TP Marcelo ice plant and cold storage.
Sinabi ni Villanueva na nakita ang labi ni Jasareno na nakasiksik sa isang gilid ng 20 metro ang layo mula sa mismong impact site na una nang sinuyod ng mga otoridad kagabi.
Kaugnay nito ipinabatid ni Villanueva na nakalabas na ng ospital ang 67 mula sa halos 100 residente ng Navotas City na naapektuhan ng ammonia leak matapos bumuti na rin ang kanilang kondisyon samantalang 22 pa ang naka-confine kung saan lima ang nasa kritikal na kondisyon.
Kasabay nito inihayag ni Villanueva na patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP sa nasabing insidente bagamat balik na sa normal ang sitwasyon sa Marcelo St., Barangay NBBS Proper pasado alas 8:00 kagabi kung saan naka standby ang anim na ambulansya nitong magdamag at wala nang biktima ang ammonia leak.