Dalawa pang miyembro ng gabinete ang namumurong masibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto dahil pa rin sa alegasyon ng korapsyon.
Sa kanyang talumpati sa Cebu para sa pagbubukas ng Alegria oil field at opening ceremony ng Philippine National Games, iginiit ni Pangulong Duterte na hindi siya magdadalawang-isip na sipain ang sinumang government official na sangkot sa katiwalian.
Bagaman hindi pinangalanan, isa aniyang assistant-secretary ng Department of Public Works and Highways o DPWH at ka-‘brod’ sa law school ang isa sa mga opisyal na kanyang pinag-reresign.
Magugunitang puwersahang pinag-resign ni Pangulong Duterte sina assistant secretaries Moslemen Macarambon Sr. ng Department of Justice at Tingagun Umpa ng DPWH.
Ito’y makaraang ituro ng Presidential Anti-Corruption Commission si Macarambon na sangkot sa pag-smuggled ng ginto at iba pang alahas sa NAIA habang inakusahan si Umpa ng pang-aabuso sa kapangyarihan.
Pangulong Duterte, pinasinayaan ang pagbubukas ng Alegria oil field
Pinasinayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbubukas ng Polyard-3 well site para sa kauna-unahang commercial oil at gas production ng Alegria oil fields, sa bayan ng Alegria, Cebu.
Mismong si Pangulong duterte ang nanguna sa formal extraction ng oil at gas reserves ng oil field sa barangay Montpeller na sinaksihan din nina Energy Secretary Alfonso Cusi, Alegria Mayor Verna Magallon at China International Mining and Petroleum Company chairman Lam Nam.
Inaasahan na magiging malaki ang ambag ng nasabing oil field hindi lamang sa ekonomiya ng cebu kundi ng bansa at makatutulong sa energy sector lalo’t maaaring magbenta ng krudo sa mga power plant operator sa mas mababang presyo.
Ang naturang kumpanya ang service contractor o nangangasiwa sa naturang proyekto sa oil field na may reserbang aabot sa dalawampu’t walong milyong bariles ng krudo at maaaring mag-produce ng 3.35 million barrels hanggang taong 2037.