Sumuko na rin sa militar ang dalawa pang miyembro ng Maute – ISIS terrorist group sa Pagayawan, Lanao Del Sur.
Ayon kay Lt/Col. Ian Ignes, commander ng 55th infantry battalion ng Philippine Army, nasa ilalim ng grupo ni Owayda Benito Marohombsar alyas Abu Dar ang mga sumukong terrorista.
Batay aniya sa kanilang pagtatanong sa dalawa, napagod na aniya ang mga ito na tumakbo at magtago sa mga sundalo kaya sila sumuko.
Sa panig naman ni Col. Romeo Brawner, commander ng 103rd infantry brigade, lalo pang paiigtingin ng kanilang tropa ang military combat operations sa lugar para sa tuluyang pagsuko ng mga suspek.
Nakuha mula sa dalawang sumukong Maute-ISIS ang isang kg 9 sub-machine gun at isang caliber 45 na pistol.
Kasalukuyang sumasailalim sa custodial debriefing ng mga sundalo ang dalawang sumukong miyembro ng nasabing teroristang grupo.