Tinutugis na ng mga otoridad ang dalawa pang kasabwat ng naarestong suspek sa pambobomba sa isang bus sa Tacurong City, Sultan Kudarat.
Ayon kay Soccsksargen Regional Police Director Brig. Gen. Jimili Macaraeg, hindi sila titigil hangga’t hindi nasasakote ang mga kasabwat ng suspek na si Esmael Daomilang.
Sa katunayan anya ay hinigpitan pa nila ang seguridad sa buong rehiyon at inatasan ang lahat ng police units na tiyakin ang seguridad ng publiko, bente kwatro oras.
Itinuro naman ni Col. Dennis Almorato, Commander ng civil-Military Battalion ng 6th infantry division ang teroristang grupong Dawlah Islamiyah na nasa likod ng pagpapasabog sa yellow bus line.
Nagkaroon anya ng premature explosion dahil sensitibo ang improvised explosive device na agad sumabog kahit hindi pa nakabababa ng bus ang suspek dahilan upang mapabilang ito sa mga nasugatan.
Ayon kay Raymundo, sumakay ng bus ang suspek sa bayan ng Buluan, Maguindanao Del Sur taliwas sa inisyal na imbestigasyon na sa Cotabato ito sumakay.
Nasa likurang bahagi naman ng sasakyan ang mga kasama ni Daomilang kung saan ang isa ay bumaba sa barangay San Pablo, Tacurong habang ang isa ay tumakas matapos ang pagsabog.
Patungo sanang Kidapawan City mula General Santos City ang bus nang sumabog ang i.e.d. sa Tacurong na ikinasawi naman ng isang pasahero at ikinasugat ng labing-isang iba pa kabilang ang suspek na naputulan ng paa.