Dalawang dalagita ang nasawi makaraang anurin ng baha matapos ang malakas na pag-ulan sa Quezon City.
Dakong alas-12 kahapon ng hatinggabi nang matagpuan ng barker na si Jeffrey Fariñas ang hindi pa nakikilalang biktima sa Pasong Tamo Bridge 3 sa Mindanao Avenue, barangay Bahay Toro.
Naisugod pa sa Quezon City General Hospital ang biktima pero binawian din ito ng buhay.
Bagaman hindi pa nakikilala ang nasawi, isang Justin Mark Dimacal ang nagsabing live-in-partner umano nito ang 15 anyos na biktima pero hindi ito pinayagang makuha ang bangkay dahil tanging kaanak ang pinapayagan ng ospital.
Samantala, dakong alas-3 naman ng madaling araw kahapon, isang 15 anyos na babae rin ang narekober sa tabing-ilog sa Lorraine Street, Parkway Village, Barangay Apolonio Samson.
Kinumpirma ni Salvacion Napiri Peralta, na anak niya ang ikalawang biktima na natutulog kasama ang isa pang nasawing dalagita sa ilalim ng tulay sa barangay Culiat nang anurin ng baha bunsod ng malakas na ulan noong Sabado ng gabi.