Dalawa ang sugatan sa pagsabog ng granada sa isa sa mga bahay sa loob ng Kampo Aguinaldo sa Quezon City kaninang 6:20 ng umaga.
Ayon kay AFP Spokesman Marine B/Gen. Edgard Arevalo, nangyari ang pagsabog sa bahay ng isang staff Sgt. Larry De Guzman sa B-651 road 2, Brgy. Camp Aguinaldo.
Sinasabing papaalis na ang sundalong si De Guzman sa kanilang bahay nang magkaroon sila ng pagtatalo ng asawa nitong si Erliza bago nangyari ang pagsabog.
Dahil dito, nagtamo ng tama ng shrapnel si Erliza at ang 11 anyos nitong anak na lalaki at kasalukuyan nang ginagamot sa AFP medical center na mas kilala bilang V. Luna Hospital sa Quezon City.
Nagtamo lamang ng galos si De Guzman mula sa pagsabog habang masuwerteng nakaligtas ang kanilang limang taong gulang na anak na babae at wala ring nadamay sa kanilang mga kapit-bahay na sundalo rin.
Sinabi pa ni Arevalo na bagama’t nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga tauhan ng AFP at PNP-SOCO sa insidente, tinitingnan kung ang asawang si Erliza ang nagdetonate ng nasabing granada na siyang dahilan ng pagsabog nito.
Binulabog ng isang pagsabog ang Kampo Aguinaldo sa Quezon City kaninang ala sais y medya ng umaga.
Batay sa ulat, granada ang pinaniniwalaang sanhi ng pagsabog kung saan, dalawa ang naitalang sugatan.
Nangyari ito sa B-651 road 2, Brgy. Camp Aguinaldo at sinasabing naging biktima ang asawa at anak ng isang sundalo sa loob ng kampo.
Kasalukuyan nang nasa AFP medical center na mas kilala bilang V. Luna Hospital ang dalawang biktima ng pagsabog para lapatan ng paunang lunas.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.