Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang send-off ceremony ng BRP Davao Del Sur at Ramon Alcaraz na ginanap sa Port Area sa Manila City.
Patungong Middle East ang dalawang nabanggit na barko ng Philippine Navy para pangunahan ang repatriation ng mga Overseas Filipino Workers sa Baghdad Iraq at iba pang bansa posibleng maapektuhan ng tensyon sa pagitan ng Iran at United States.
Sakay ng BRP Davao Del Sur at Ramon Alcaraz ang umaabot sa 1,000 mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tutulong sa repatriation.
Sa kanyang naging mensahe, sinabi ni Pangulong Duterte na pangunahing inaalala ng pamahalaan ang interes at kaligtasan ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan.
Umaasa naman ang Pangulo na magtatagumpay ang AFP sa kanilang layunin na mailikas ang mga Pilipino sa Gitnang Silangan na posibleng maipit sa napipintong kaguluhan doon.
Kaugnay nito, pinabaunan ni Pangulong Duterte ng dasal at pag-asa ang tropa ng AFP at Philippine Navy para sa matagumpay na pagtupad sa kanilang tungkulin.