Dalawang bihag ng bandidong Abu Sayyaf ang pinalaya kahapon sa bahagi ng Indanan sa lalawigan ng Sulu.
Ayon sa report, isinuko ng mga bandido sa Moro National Liberation Front o MNLF ang 2 bihag na kinilalang sina Glenn Alindajao at ang Koreanong si Park Chul Hong.
Personal na sinundo ni Presidential Peace Adviser Sec. Jesus Dureza ang 2 sa Jolo at dinala ang mga ito sa Davao City upang iharap kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Magugunitang dinukot ang 2 nuong Oktubre ng nakalipas na taon makaraan ang pag-atake ng mga bandido sa M/V Dong Bang Giang sa karagatang sakop ng Bongao, Tawi-Tawi.
Pagpapalaya sa 2 bihag ng Abu Sayyaf, walang ransom – Sec. Dureza
Iginiit ng pamahalaan ang pag-iral ng no ransom policy o hindi pagbabayad ng ransom sa mga bandido at itinuturing na terorista.
Ito ang binigyang diin ni Presidential Peace Adviser Secretary Jess Dureza kasunod ng pagpapalaya ng Abu Sayyaf sa isang Pilipino at isang Koreano na binihag nito nuong isang taon.
Sa panayam kay Sec. Dureza, hindi niya batid kung bahagi ng goodwill ng mga bandido ang ginawang pagpapalaya kina Glenn Alindajao at Park Chul Hong.
Gayunman, sinabi ng kalihim na walang ransom na ibinayad para sa pagpapalaya sa dalawang bihag ngunit kung mayruon man aniya ay labas na rito ang pamahalaan.
By: Jaymark Dagala