Panic at takot ang naramdaman ng mga pasahero ng isang eroplano na galing sa Boracay, papuntang Shanghai, China noong February 19, 2024.
Bigla kasing nabalot ng makapal na usok ang kanilang aircraft cabin.
Sa tindi ng usok, kinailangan pa ng eroplano na mag-emergency landing sa Hong Kong.
Ganito rin ang nangyari sa isa pang eroplano na papunta naman sa Nakhon Si Thammarat, Thailand, limang araw matapos ang naunang insidente.
Ayon sa mga pasahero, lumiyab at umusok ang isang upuan sa cabin habang lumilipad ang eroplano.
Mabilis namang umaksyon ang mga crew ng eroplano at agad na naapula ang apoy.
Batay sa imbestigasyon, parehas na power bank ang pinagmulan ng usok at apoy sa loob ng eroplano.
Ayon sa mga awtoridad, pumutok ang mga naturang power bank matapos itong gamitin ng mga pasahero.
Sa kabutihang palad, walang naitalang nasaktan sa dalawang magkahiwalay na insidente. Maayos ding nakarating sa kanilang mga destinasyon ang mga pasahero.
Ayon sa security experts, mahalaga ang regulasyon sa pagdadala ng power banks sa mga eroplano.
Karamihan sa mga airline, pinapayagan lang ang power banks at batteries na hindi lalagpas sa 100 Wh o 2600 mAh.
Dapat din tiyaking maganda ang klase ng power bank dahil kung hindi, posible itong mag-overheat at short circuit na magiging sanhi ng sunog.