Inabswelto ng korte suprema sa kasong paglabag sa anti-hazing law ang dalawang hinihinalang miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity na nag-ugat sa pagkamatay ng isang labingwalong taong gulang na estudyante noong 2009.
Pinagbigyan ng 3rd division ng mataas na hukuman ang petisyon ng mga akusadong sina Carlos Paulo Bartolome at Joel Bandalan kasabay ng pagbaliktad sa naging hatol ng Court of Appeals o CA na pumabor naman sa desisyon ng Imus, Cavite Regional Trial Court.
Sa record, ang biktimang si John Daniel Samparada, estudyante ng Lyceum of the Philippines, ay dinala sa ospital nina bartolome at bandalan at isa pang hindi pa nakikilalang lalaki matapos umanong mawalan ng malay nang isalang sa hazing.
Kapwa pinatawan ng life sentence ang dalawang akusado pero ayon sa korte suprema, nabigo ang prosekusyon na patunayang biktima ng hazing si Samparada at wala ring testigo na lumutang na makapagpapatunay na bago itong recruit ng tau gamma.
Kasabay nito, inatasan naman ng kataas-taasang hukuman ang Bureau of Corrections o BuCor na palayain sa lalong madaling panahon ang mga akusado.—sa panulat ni Hya Ludivico