Pinalaya na ng Senado ang dalawang testigo sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) for sale na humingi sa kanila ng proteksyon.
Ito ay makaraang matapos na ang imbestigasyon ng Senado sa isyu ng GCTA for sale kung saan nakatakda na ang sponsorship speech ni Senador Richard Gordon.
Kahapon, nakalaya na ang mga testigong sina Godfrey Gamboa, dating inmate sa New Bilibid Prison (NBP) at common law wife nitong si Yolanda Camilon, matapos lagdaan ni Gordon ang kanilang release order.
Apat na buwang sumailalim sa senate custody sina Gamboa at Camilon simula noong Setyembre ng nakaraang taon.
Ito ay matapos na tumestigo ang dalawa laban sa ilang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na nakikipagsabwatan sa ilang mayayaman at maimpluwensiyang mga preso na naghahangad na makalaya ng maaga sa pamamagitan ng GCTA. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)