Viral ngayon sa social media ang dalawang aso na tinaguriang “hero dogs” matapos mahuli ang isang akyat bahay sa Masbate City.
Sa pahayag ng may-ari na si Trisha Marie Buri, nagising sila makaraang marinig na tumatahol ang kanilang alagang aso na sina Roscoe at Smile.
Agad itong bumangon upang alamin ang dahilan ng pagiging aligaga ng kaniyang mga aso.
Dito na humingi ng tulong si Trisha matapos makita ang suspek na nagtatago sa loob ng isang cabinet.
Agad namang nahuli ang suspek na ngayon ay hawak na ng mga otoridad at nabawi ang mga ninakaw na gamit.
Ayon kay Trisha, malaki ang kaniyang pasasalamat sa kanilang hero dogs na bahagi na ng kanilang pamilya.
Bilang pasasalamat, agad nila itong hinandaan at binigyan ng sertipiko bilang pagkilala sa ginawang kabutihan, katalinuhan at kagalingan ni Roscoe at Smile.—sa panulat ni Angelica Doctolero