Nadakip ng pinagsanib na pwersa ng NBI- Counter Terrorism Division, AFP at PNP ang dalawang hinihinalang miyembro ng bandidong grupong Abu Sayyaf.
Kinilala ang mga ito na sina Abdulla Addi alyas Tuma, sinasabing gumagamot sa mga sugatang miyembro ng grupo at Aluyudan Guru alyas Abu Tarik.
Batay sa ulat, unang naaresto si Addi alyas Tuma sa Zamboanga City kung saan nakakuha naman ng lead ang otoridad mula rito dahilan kaya naaresto si Guru o alyas Abu Tarik malapit sa LRT station sa Baclaran.
Sinasabing kasama si Tuma sa grupo ng Abu Sayyaf na dumukot sa 21 turista sa Sipadan Malaysia noong 2000 habang malapit naman umano si Abu Tarik sa mga lider ng bandidong grupo na sila Khadaffi Janjalani at Isnilon Hapilon.
Pinaniniwalang kabilang din si Abu Tarrik sa pagpaplano ng pagsalakay ng Maute ISIS Group sa Marawi City at siyang nanguna sa pagpasok nina Hapilon sa lungsod.