Maswerteng nakaligtas sa pananambang ang dalawang kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Sta. Barbara, Iloilo.
Batay sa impormasyon mula sa Sta. Barbara Police Station, kinilala ang mga biktima na sina Engineer Eva Bedonia, chief ng quality assurance ng DPWH-Iloilo 4th District Engineering Office at drayber na si Rogelio Serilo Jr.
Papasok sana sa kanilang trabaho sina Bedonia nang pagbabarilin ang kanilang pick-up ng dalawang taong sakay ng motorsiklo.
Limang tama ng bala ang nakita sa sa bahagi ng inuupuan ni Bedonia.
Dahil dito, posible umanong target nga ng pananambang si Bedonia.
Patuloy namang iniimbestigahan pa ang nasabing insidente.