Nakumpirma ng PDEA o Philippine Drug Enforcememnt Agency ang umano’y pagkakasangkot ng dalawang kongresista at isang alkalde sa iligal na droga.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, mula aniya ang tatlong hindi pinangalanang halal na opisyal sa 87 mga politikong napasama sa narco-list.
Batay aniya sa isinagawang pagsusuri ng PDEA kasama ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at National Intelligence Coordinating Agency, napatunayang dawit ang tatlong opisyal sa iligal na droga.
Gayunman, aminado si Aquino na nahihirapan silang kasuhan ang mga nasabing opisyal dahil hindi aniya direkta ang pagkaka-ugnay ng mga ito sa iligal na droga kundi mga protektor lamang.
Kasabay nito, iginiit ni Aquino na napapanahon nang magpatupad ng compulsory drug test sa lahat ng mga pulitiko.