Dalawang pampasabog ang narekober ng isang nagro-roving na guard sa pinakamalaking mall sa Kidapawan City sa Cotabato.
Ayon kay Kidapawan City Police Director Supt. Ramel Hojilla, nakita ng security guard na si Alwente Tabosares ang isang rifle grenade at fragmentation grenade na nakabalot sa puting tela at nakasilid sa isang paper bag habang nagsasagawa ito ng regular security check sa Gaisano mall.
Sinabi ni Hojilla, iniwan ang paper bag na naglalaman ng pampasabog sa likurang bahagi ng mall malapit sa stockroom kung saan walang nakakabit na CCTV camera.
Batay naman sa kanilang imbestigasyon, posibleng ang tumitinding iringan sa mga security personnel ng mall ang motibo sa pag-iwan ng nasabing mga pampasabog.
Dagdag ni Hojilla, kanila namang isinantabi ang posibilidad na may kaugnayan ang nasabing natagpuang pampasabog sa narekober namang pekeng improvised explosive device sa bayan ng M’lang sa North Cotabato noong nakaraang dalawang araw.