Inilunsad na ng Manila North at Manila South Cemeteries ang kanilang website upang mapabilis ang paghahanap sa mga puntod mahigit isang linggo bago ang undas.
Karaniwan ng problema sa mga nabanggit na sementeryo ang mga nawawalang puntod tuwing araw ng mga patay.
Ito ang dahilan kaya’t naglatag ang Manila North at South Cemeteries ng solusyon sa pamamagitan ng www.manilasouthcemetery.ph at www.manilanorthcemetery.com
Ayon kay Jonjon Villavacua, staff ng Manila South Cemetery, iki-click lamang ang pangalan ng yumaong kaanak o “name of deceased” at lalabas na kung saang section ito nakalibing.
Bukod sa website, puspusan na rin ang preparasyon ng dalawang malaking libingan sa Metro Manila para sa dagsang bibisita sa kanilang mga yumaong kaanak sa undas.
Puspusan na rin ang paglilinis at pag-aaspalto sa mga kalsada sa loob ng sementeryo maging ang mga palikuran.
Inaasahang aabot sa dalawang milyon ang magtutungo sa norte sa Maynila habang nasa kalahating milyon sa Manila South Cemetery sa Makati sa araw ng mga patay.