Nakalabas na ng Wuhan City sa China ang dalawang Pilipina ilang oras bago ipatupad ang lockdown dito para hindi na kumalat pa ang 2019 novel coronavirus sa ibang lugar.
Ayon sa mga nasabing Pinay kaagad silang nag-book ng kotse at umalis ng Wuhan City nang mabatid mula sa isang kaibigang Chinese ang ipatutupad na lockdown sa lungsod.
Tila nabunutan na ng tinik ang dalawang Pinay nang makalabas ng Wuhan City na ang sitwasyon anila’y ay parang apocalyse at naisip na hindi na sila makakaalis dito.
Nasa Hong Kong na ang mga nasabing Pinay at dun na anila sila manggagaling pa Maynila kung saan bukas naman silang isailalim sa medical examination at kung kinakailangan ay i-quarantine.
Gayunman pinili namang manatili sa Wuhan City ni UP Professor Robert Go para na rin sa kaligtasan ng lahat at maiwasan ang mga pag-aalala bagamat batid niyang wala naman siyang coronavirus.
Ipinabatid ng Philippine Embassy sa Beijing, China apat na Pinoy lamang ang nakarehistro mula sa Wuhan at wala sa mga ito ang apektado ng coronavirus.
Tiniyak ni Philippine Ambassador to China, Jose Sta. Maria ang anumang tulong sa mga mangangailangang Pilipino.