Patuloy na nagpapaulan ngayon sa malaking bahagi ng Luzon at buong Visayas ang namumuong sama ng panahon na binabantayan ng PAGASA.
Batay sa datos ng weather bureau, huling namataan ang LPA o Low Pressure Area sa layong 200 kilometro hilaga – hilagang silangan ng Borongan, Eastern Samar.
Dahil dito, makararanas ng mga pag-ulan ang Metro Manila, Gitna at Katimugang Luzon gayundin ang Mimaropa at Bicol region at buong Visayas.
Maalinsangang panahon naman ang mararanasan sa hilaga ng Luzon at buong Mindanao na may mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorm.
Maliban dito, binabantayan din ng PAGASA ang bagyo sa labas ng PAR o Philippine Area of Responsibility na may international name na “Jebi”.
Huli itong namataan sa layong 1,945 kilometro silangan ng Hilagang Luzon
Bagama’t hindi naman ito direktang papasok sa PAR, paiigtingin naman nito ang hanging habagat na siyang magdudulot ng mga pag-ulan.