Muling pinatunayan ng mga aso na para na rin talaga silang mga tao, dahil bukod sa angking talino ng mga ito, madalas, sila pa ang mas may puso. Katulad na lang dalawang stray dogs na hindi nag-alinlangang iligtas ang nakita lang nilang aso na nakahiga sa gitna ng daan.
Ang nakatutuwang kwento, eto.
Sa isang CCTV footage na nakuhanan sa isang kalsada sa Jiangsu, China, makikita ang isang aso na nakahiga lang sa gitna ng kalsada at hindi makatayo dahil mayroon pala itong injury.
Sa kabilang banda naman ng kalsada, makikita ang dalawang stray dogs na patakbong tumawid para puntahan ang kawawang aso.
Nakipagpatintero ang dalawa sa mga dumaraang sasakyan at ito rin ang dahilan kung bakit hindi nila agad nadala sa gilid ng kalsada ang nakahigang aso.
Bagamat marami ang nakakita sa sitwasyon ng mga aso, ni isa sa mga sasakyan na dumaan ay hindi man lang huminto para tulungan sila.
Nang lumuwag ang daan, tuluyan nang nahila ng mga stray dogs ang injured na aso at tila chinecheck up pa nila ito pagdating nila sa gilid ng kalsada.
Ang injured na aso, dati rin palang stray dog at inampon ng kaniyang amo na si Mr. Xue 6 months ago. Sinabi niya na nakalabas daw ang kaniyang aso at na-hit and run ng isang motorista.
Agad namang dinala ni Mr. Xue ang kaniyang alaga sa veterinary clinic at nagpapagaling na mula sa tinamo nitong minor injuries.
Samantala, ang dalawang stray dogs na may mga mabubuting puso, hindi na kailangan pang magpalabuy-laboy dahil nagpaplano na si Mr. Xue na ampunin na rin ang mga ito at magkakasama na ang tatlong instant friends na mga aso.
Sa mga fur parents diyan, ano ang mga maipagmamalaki ninyong good characteristics ng mga alaga niyong aso?