Sugatan ang dalawang sundalo matapos masabugan ng IED o Improvised Explosive Device sa Sitio Camarang Baguio District sa Davao City.
Kinilala ang mga nasugatang sundalo na sina Private First Class Jejomar Judan at Sergeant Enrique Genon ng Philippine Army 3rd Infantry Battalion.
Batay sa imbestigasyon, patungo sa kanilang kampo sa Barangay Calinan ang dalawang sundalo nang pasabugan ang kanilang sasakyan ng mga hinihinalang miyembro ng NPA o New Peoples Army.
Ayon kay Baguio District Police Chief, Senior Inspector Merlito Tubog, malaki ang posibilidad na inabangan talaga ang dalawang sundalo lalo’t kilalang ambush site ang lugar.
Dagdag ni Tubog, posible ring gumanti ang mga rebelde matapos naman mamatay ang dalawa nilang kasamahan sa nangyaring engkwentro noong Hunyo 28.
Patuloy namang ginagamot sa Camp Panacan Hospital ang dalawang nasugatang sundalo.