Binuweltahan ng Malakanyang ang dalawang US Senator na may akda ng probisyong nagba-ban sa mga ilang opisyal at personalidad sa Pilipinas na may kinalaman sa pagpapakulong kay Senadora Leila De Lima na makapasok ng Estados Unidos.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bureau of Immigration (BI) na pagbawalan sina US Senators Richard Durbin at Patrick Leahy sa Pilipinas.
Dagdag ni Panelo, sakaling tuluyang maipatupad ang US entry ban sa isa sa mga opisyal ng Pilipinas na iniuugnay sa pagkakakulong ni Senador De Lima, kakailangan nang kumuha ng visa ng lahat ng mga Amerikanong magtutungo ng Pilipinas.
Muli namang iginiit ni Panelo na hindi maaaring diktahan ng ibang estado ang mga opisyal, hukom at mahistrado sa Pilipinas sa paraan ng pagpapatupad ng sariling batas ng bansa.