Dahil sa init ng panahon, nag-order ang doktor na si Orlem Brandon Serrao mula sa Mumbai, India ng tatlong ice cream cones sa pamamagitan ng isang online grocery delivery app.
Habang kinakain ang butterscotch-flavored ice cream, bigla siyang nakakagat ng isang matigas na bagay.
Akala niya noong una, mani o tsokolate ito; ngunit matapos iluwa, dito na tumambad sa harap niya ang isang putol na daliri ng tao!
Nang suriin ang niluwang sahog ng ice cream, napansin ni Serrao ang kuko at fingerprints nito. Dahil isang doktor, pamilyar siya sa mga bahagi ng katawan at nakumpirma niyang isa itong hinlalaki.
Agad niya itong ipinagbigay-alam sa mga pulis.
Ayon sa manufacturer na Yummo Ice Cream, itinigil na nila ang produksyon ng naturang produkto. Tiniyak din nilang tutulong sa imbestigasyon hinggil sa insidente.
Kaugnay nito, isang hindi pinangalangang empleyado ng Yummo ang kinasuhan ng food adulteration and endangering human life.
Sa ngayon, ipinadala na sa isang forensic lab ang putol na daliri upang matukoy kung pagmamay-ari ba ito ng isang tao o hayop.
Nawa’y magsilbi ang kwentong ito bilang paalala sa mga negosyante, partikular na sa mga pabrika, na palaging bigyan ng pansin ang paggawa ng kanilang produkto dahil nakasalalay rito ang kaligtasan ng publiko at maging ng kanilang mga empleyado.