Nagsimula nang bumigat ang daloy ng trapiko sa ilang expressway kasabay ng pagbabalik-Metro Manila ng libu-libong bakasyonistang nag-pasko sa mga probinsya.
Dakong ala-5:00 kaninang madaling araw nang magsimulang bumuhos ang mga sasakyan sa ilang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX).
Bumper-to-bumper ang daloy ng trapiko mula Balintawak Toll Plaza hanggang Harbor Link Interchange.
Ganito rin ang naging sitwasyon sa ilang bahagi ng South Luzon Expressway, partikular sa Bicutan toll plaza.
Samantala, sa EDSA naman, usad-pagong ang mga sasakyan sa bahagi ng Cubao at kanto ng Aurora Boulevard maging sa EDSA-Ortigas.
Pinayuhan naman ng MMDA mga motorista na magbaon ng mahabang pasensya dahil inaasahan pa hanggang mamayang hapon ang bugso ng mga motoristang nag-uuwian mula sa mahabang bakasyon.