May bago nang pinuno ang Dangerous Drugs Board o DDB matapos magbitiw si dating Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff General Dionisio Santiago.
Kaagad ipinalit kay Santiago bilang DDB OIC si Executive Director Undersecretary Jose Marlowe Pedregosa.
Hindi na umano magsasagawa ng turn over ceremony kaya’t pinalinis na agad ni Santiago ang kaniyang kuwarto at pinaalis na ang kaniyang mga gamit para magamit na ito ng kapalit niya.
Matatandaang kinumpirma ni dating AFP Chief of Staff General Dionisio Santiago ang resignation niya bilang chairman ng DDB.
Ipinabatid sa DWIZ ni Santiago na kaagad naman siyang nagsumite ng kaniyang resignation letter matapos siyang sabihang magbitiw na sa tungkulin batay na rin sa kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
“Walang hindi tama na desisyon, kumbaga nag-desisyon ang boss yun ang tama, we never wish to question their wisdom, I was told na may instruction na pag-resignin ako.” Ani Santiago
Ayon kay Santiago, isang report ang nakikita niyang naging dahilan ng kaniyang resignation subalit sa tingin niya ay wala naman siyang sinabing mali rito.
“Yung ginawa ng Inquirer na sinabi ko raw na mistake, pina-review ko yung statement ko wala akong ginamit na mistake, wala na yun, it’s there mukhang ikinagalit daw eh wala na tayong magagawa.” Pahayag ni Santiago
(with interview from Balitang Todong Lakas)