Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Presidential Anti-Corruption Commission chairman Dante Jimenez bilang bagong co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Batay sa ipinalabas na listahan ng Malakanyang ng mga bagong appointees ni Pangulong Duterte, inappoint si Jimenez sa ICAD noong February 21.
Pinalitan ni Jimenez sa puwesto si Vice President Leni Robredo na magugunitang sinibak makalipas lamang ang dalawang linggo matapos na italaga sa ICAD.
Si Jimenez ang founding chairman ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) bago naging pinuno ng PACC.
Samantala, kabilang din sa mga bagong appointees ng pangulo si Foreign Affairs Undersecretary for Policy Enrique Manalo na itinalaga bilang bagong permanent representative ng Pilipinas sa United Nations.
Pinalitan ni Manalo si Rodolfo Robles na inilipat naman bilang Philippine Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary to Canada.
Pinangalanan din ng pangulo si Abdullah Hashim bilang bagong miyembro ng Bangsamoro Transition Authority gayundin ang pag-apruba sa promosyon ng iba pang mga senior officials ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG).