Humihingi ng danyos sa pamahalaan ang isa sa mga inaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pagdadala di umano ng bala.
Aminado naman si Milagrosa Cadiente, isang real estate agent na mayroon siyang dalang bala subalit wala na itong pulbura at nagsisilbing anting-anting niya mula noong bata pa siya.
“Nung bata po ako, 12 years old ako, kinukuha ako ng mga duwende, tsaka kaluluwa, sumasanib sila sa akin, humihingi ng prayer, hinahanap yung pamilya nila, meron po akong mga ganung insidente.” Ani Cadiente.
Ayon kay Cadiente, malaki ang nawala sa kanya dahil sa ilang oras na pagkabinbin niya sa NAIA noong arestuhin siya ng Aviation Security Group bagamat pinakawalan rin naman siya makaraang saklolohan ng Public Attorneys Office.
“Nate-tense ako, ninenerbiyos ako dahil naalala ko lahat ng mga nangyari sa akin nun, yun yung magang-maga ang paa ko, may problema po ako sa kidney, may problema po ako sa puso sa ginawa niyong ito, tapos nawala yung kliyente ko, anong ipambabayad ko sa bahay ko, anong ipambibili ko ng gamot ko, anong ipapakain ko sa anak ko at sa aking adopted?” Pahayag ni Cadiente.
By Len Aguirre | Ratsada Balita