Nilinaw ng HRVCB o Human Rights Victims Claims Board na walang kaugnayan sa kanila ang dalawang bilyong dolyar na danyos para sa biktima ng Martial Law na ibinasura ng Court of Appeals o CA.
Ayon kay Retired Chief Supt. Lina Sarmiento, Chairperson ng HRVCB, ang ibinasura ng CA ay ang napanalunan ng mga biktima sa US Federal Court sa Hawaii.
Samantala, ang ipinagkakaloob na danyos anya ng HRVCB ay itinakda ng batas at ang pondong ginagamit nila ay ang perang ibinalik ng Swiss Bank sa bansa.
“Labas po kami sa kasong yun, ang perang ating pong ipamimigay fixed po ito, hindi dito kukunin ang whatever na ibibigay sa kanila, ang pagiging magkamag-anak lamang po ng kanilang grupo sa amin ay yung mga nanalo sa Hawaii sila po ay itinuturing na conclusively presumed so medyo maluwag po tayo sa pagdedesisyon sa kanilang mga claims sa pagsasabi ng batas sila ay conclusively presumed, liban doon wala na po.” Ani Sarmiento
Sa ngayon, apat na libong (4,000) human rights victims na ang nabigyan ng danyos ng HRVCB.
Sinabi ni Sarmiento na ang naturang bilang pa lamang ang na aprubahan mula sa mahigit apatnapung libong (40,000) applicants na lumusot na sa adjudication board.
May pitumpu’t limang libong (75,000) aplikante para makakuha ng danyos subalit hindi anya lahat ay maaprubahan.
“Ang lahat naman po ng claims ay may desisyon so lahat ng claimants makakatanggap ng desisyon kung bakit na-approved o denied ang kanilang claims, so nilalagay namin doon kung bakit na-deny syempre walang ebidensya o walang personal na alam yung mga nag-testigo sa affidavit.” Pahayag ni Sarmiento
Una rito ay ibinasura ng Court of Appeals ang inihaing petisyon ng mga biktima ng Martial Law ni yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ito’y upang ipatupad ang naging desisyon ng US Federal Court noong Pebrero 1995 kung saan pinagbabayad ng dalawang bilyong dolyar na danyos ang pamilya Marcos sa mga naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng diktadurya.
Batay sa inilabas na desisyon ng 12th Division ng Appelate Court, hindi maaaring ipatupad sa Pilipinas ang desisyon ng US Federal Court lalo’t wala itong hurisdiksyon sa mga usaping panloob ng Pilipinas.
Ayon kay CA Associate Justice Normandie Pizarro, walang kapangyarihang magpasya o humatol ang alinmang dayuhang korte alinsunod na rin sa itinatadhana ng Saligang Batas ng Pilipinas hinggil sa usapin ng soberenya.
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview) | Jaymark Dagala
Danyos mula sa HRVCB labas sa ibinasurang $2-B ng CA was last modified: July 17th, 2017 by DWIZ 882