Sumampa na sa halos 500 milyong piso ang halaga ng pinsala sa imprastruktura na dulot ng severe tropical storm Florita.
Batay sa datos kaninang alas-8:00 ng umaga ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 498,980,000 ang halaga ng nasa 102 nasirang imprastruktura sa Ilocos Region at Cagayan Valley.
Sa nasabing bilang, 93 dito ay mula sa Ilocos Region na kung saan aabot sa 474,580,000 ang halaga ng pinsala habang siyam sa Cagayan Valley na nasa 24,400,000.
Naapektuhan din ng bagyong Florita ang 72 kabahayan sa mga nasabing rehiyon.
Nasa 31,936 pamilya o katumbas ng 129,768 indibidwal naman ang naapektuhan ng bagyo mula sa 486 barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.
Samantala, nananatili sa tatlo ang bilang ng mga nasawi habang apat ang sugatan.