Mahigit 7 bilyong piso na ang danyos sa agrikultura at imprastruktura ng bagyong Lando sa mga lalawigang binato nito sa Regions 1, 2, 3, 4-A, 4-B at CAR.
Ipinabatid ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mina Marasigan na nasa P6.4 billion pesos na ang danyos sa agrikultura at P902 million pesos naman sa imprastruktura samantalang halos 19,000 bahay ang sinira ng bagyong Lando.
Kasabay nito, sinabi ni Marasigan na tumulak na ang kanilang team sa Regions 2 at 3 para kumuha pa ng impormasyon sa pinsala ng bagyo at alamin ang takbo ng relief operations doon.
“On the way na ang ating rapid damage assessment and needs analysis teams para puntahan ang Regions 2 and 3, para magkaroon tayo ng latest na situationer kung kumusta na po ang ating mga kababayan doon at sitwasyon doon, at ang ongoing po na relief operations sa mga lugar na iyan. Ang ating Pangulo kapiling ang ating butihing Undersecretary Pama ay tumungo pos a Aurora para matignan an gating mga kababayan at aktibidades na ginagawa natin doon.” Pahayag ni Marasigan.
Death toll
Pumapalo na sa 41 ang death toll sa bagyong Lando.
Ipinabatid pa ng NDRRMC na 78 indibidwal ang nasugatan mula sa Regions 1, 3 at CAR o Cordillera Administrative Regions dahil sa hagupit ng nasabing bagyo.
Ayon pa sa NDRRMC, mahigit 1 milyon katao mula sa Region 1 hanggang 5 at CAR gayundin sa NCR ang apektado ng bagyong Lando.
Samantala, isang gate na ng San Roque Dam ang nakabukas.
By Judith Larino