Binatikos ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) ang umano’y malambot na implementasyon Anti-Agricultural Economic Sabotage Act sa kabila nang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas, karne, at isda.
Pahayag ni AGAP Rep. Nicanor “Nick” Briones, tila walang silbi ang batas kung hindi ito naipapatupad laban sa mga smugglers, hoarders, at cartel na nagmamanipula ng presyo.
Idinagdag niya na dapat mabuo na ang enforcement group na magsisigurong maipapatupad ang batas nang maayos upang masugpo ang mga ilegal na gawain sa sektor ng agrikultura.
Binanggit ni Briones na, sa kabila ng pagbaba ng taripa ng bigas at ang bumabang presyo nito sa world market ay nananatili pa rin sa ₱50–₱60 kada kilo ang presyo sa mga palengke.
Giit niya, dapat bumaba na ito ng ₱7–₱13 kada kilo.
Binalikan ng mambabatas ang insidente noong Nobyembre kung saan nakumpiska ang ₱178.5 milyong halaga ng frozen mackerel, ngunit hindi naisampa ang kaso gamit ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Aniya, nananatiling maluwag ang mga smuggler at profiteer dahil walang kinatatakutan.
Kasabay nito, hinimok niya ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), at National Economic and Development Authority (NEDA) na hikayatin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na buhayin ang enforcement group na kinabibilangan ng NBI, PNP, at Philippine Coast Guard upang labanan ang smuggling at hoarding.
Giit pa niya, tila walang kinakatakutan ang mga smugglers at cartel dahil hindi pa epektibo ang batas.
Kailangan aniyang magkaisa ang mga ahensya ng gobyerno upang mapababa ang presyo ng bilihin at masigurong protektado ang taumbayan.