Hindi magbibitiw sa puwesto si Agriculture Secretary William Dar sa kabila ng mga panawagan ng kanyang resignation dahil sa krisis sa suplay at presyo ng baboy at manok sa bansa.
Ayon kay Dar, magpapatuloy lamang siya sa pagsisilbi at paggampan sa kanyang tungkulin hangga’t nananatili ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kakayahan.
Kasabay nito, itinanggi ni Dar ang mga akusasyong tanging pag-aangkat lamang ng mga produktong agrikultural ang naiisip niyang solusyon sa mga kinahaharap na problema ng industriya.
Aniya, kanilang binabalanse kapwa ang kapakanan ng mga local hog producers, mga retailers ng karne at mga mamimili.
Binigyang diin ni Dar na patuloy ang pagpapatupad ng Department of Agriculture ng mga programa para sa mga local hog producers gayundin ang pagpuksa sa African Swine Fever (ASF).