Hindi pa nakalalabas ng bansa si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo na siyang pangunahing suspek sa pagpatay kay AKO-Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe.
Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde kasunod na rin ng ipinalabas na look out order laban kay Baldo ay iba pang suspek sa kaso.
Ayon kay Albayalde, hindi pa nila nakakausap sa national headquarters ang alkalde ngunit hindi niya makumpirma kung nakipag-ugnayan na ito sa Daraga PNP.
Una nang idiniin ng mga sumukong suspek si Baldo na siyang mastermind sa pagpaplano at pagpapapatay kay Batocabe na makakalaban sana niya sa darating na eleksyon.
Police detail
Samantala, uubra pa ring humiling ng police detail si Mayor Baldo ng Daraga, Albay.
Ito ayon sa National Police Commission o Napolcom ay sakaling may banta pa rin sa seguridad ng alkalde.
Sinabing dadaan naman sa tamang proseso at aaprubahan pa ng pinuno ng PNP Daraga gayundin ng Albay Provincial Police Office sakaling humiling si Baldo ng police detail.
Ayon sa records ng NAPOLCOM, wala pang official security detail si Baldo sa kasalukuyan.
Magugunitang pormal nang tinanggap ng kampo ni Baldo ang kopya ng kautusan hinggil sa pagbawi sa police deputation power nito matapos tukuyin ng PNP bilang mastermind sa pagpaslang kay Batocabe.
—-