Inaasahang dadagsa ang mahigit 2.4 million na mga byahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX mula Oktubre 21 hanggang Nobyembre 5 bunsod ng paggunita ng mga Pilipino sa panahon ng Undas 2024.
Batay sa pamunuan ng PITX, inaasahang pinakamaraming dadagsang pasahero mula Oktubre a-30 at a-31 sa bilang na 159,000 hanggang 175,000.
Ayon sa PITX, nakikipag-ugnayan na ang kanilang pamunuan sa Department of Transportation, LTFRB, LTO, MMDA, at Philippine National Police upang matiyak ang maayos at ligtas na biyahe.
Pinaaalalahanan naman ang mga byahero na magpunta nang maaga sa nasabing terminal upang suriin ang schedule ng bus na kanilang sasakyan upang maging mas maayos ang byahe sa darating na Undas. - sa panulat ni Riz Calata