Hindi maaaring balewalain ang Data Privacy Act (DPA) at isapubliko ang mga pangalan ng mga taong tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang binigyang diin ng National Privacy Commission (NPC) sa gitna ng panawagan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at iba pang business groups na suspendihin muna ang DPA upang mapabilis ang contact tracing.
Ayon sa NPC, lalabagin ng hakbang na ito ang mga opinyon ng mga eksperto sa epidemya at mga siyentipiko sa mundo.
Ipinaliwanag pa ng komisyon na maaari namang magtagumpay ang gobyerno sa ginagawa nitong contact tracing nang hindi na kailangan pang suspendihin ang pangunahing karapatang pantao tulad ng nangyari sa Singapore at Thailand.
Batay sa Data Privacy Act of 2012, gagawaran ng hanggang limang taong pagkakakulong ang sinumang lalabag dito at papatawan ng multa na hindi bababa sa kalahating milyon at hindi hihigit sa 1milyon.